Liwayway

Lamang-Tiyan (1)

- Armando T. Javier

Nauna siya nang mga kinse minutos kay Dina sa kanto ng Avenida at Recto. Naka-blouse ito ngayon, kulay-berde na mababa ang cut sa dibdib, naka-walking short at ang buhok na dati’y naka-headband ay nakalugay ngayon. Nakashades pa na may kalakihan sa mukha.

(UNANG BAHAGI)

MAG-IISANG oras nang naghihinta­y si Boyong sa fastfood restaurant malapit sa Carriedo station ng LRT sa Avenida at ni anino ni Lily, ng kanyang ka-date, ay wala.

Sinasabi na nga ba niya, baka pinasakay lang siya nang matangkad na weytres na nakilala niya sa Caloocan. Nag-inom sila roon ni Noel pagkagalin­g nila sa press

con. May nililigawa­n pala sa restoran-inumang iyon si Noel na isang press photograph­er.

“Pormahan mo ‘yung kasamahan n’yan, pare, para pag niyaya kong mag-deyt, sumama.” “Me itsura naman ba?” “Lamang-tiyan.” Biruan nila iyon ni Noel sa mga bebot na hindi nila masyadong type pero sabi nga’y puwede na rin. “’Asan?” Kanina pa nga malikot ang mata ni Noel. “Wala pa. Baka natrapik.” Maagang natapos ang press con ng pelikulang baguhan ang prodyuser at hindi rin boxoffice star ang bida kaya maaga rin silang nakasibat ni Noel at maaga ring iraraos ang bisyo nilang pag-inom.

Patingin-tingin sa kanila ang nililigawa­ng weytres ni Noel na Dina pala ang pangalan.

“Dina ano?” tanong niya nang ipakilala sa kanya ni Noel. “Dina virgin!” Natawa ito ay natawa rin sila. Makukuha ni Noel ang babaeng ito, naisaloob niya, konting sigasig lang.

Mukhang palaban nga, medyo chubby lang, may kaliitan pero parang puputok ang unipormeng blusa sa siksik na katawan; kung ano ang tambok ng dibdib ay siya ring umbok ng balakang. Hindi lang kagandahan ang mukha, may iniwang uka ng natuyong tagihawat ang pisngi at may mga sungki ang ngipin.

“P’wede na, pare,” sabi niya kay Noel, “maganda na rin ‘yan sa dilim.”

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines