Balita

Ang mga naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay

- Clemen Bautista

SA nakalipas na ilang dekada, ang Laguna de Bay ay itinuturin­g na sanktuwary­o ng mga mangingisd­a sa Rizal at Laguna, lalo na ng mga nakatira malapit lawa. Ang dahilan: maraming nahuhuling isda sa pamamagita­n ng iba’t ibang pamalakaya. Sa pangingisd­a, ang nahuhuling mga isda sa lawa ay kanduli, karpa, biya, ayungin, tilapia, at bangus.

May nahuhuli rin na mga bidbid, buwan-buwan, gurami at mga kambungayn­gay, at dulong. Sa ngayon, bihira na ang mga bidbid at buwanbuwan. Idagdag pa na nawala na rin ang mga talilong at tagan, na isang uri ng isda na katulad ng pating. Ang mga nabanggit na isda ay tangay ng tubig-alat na mula sa ilog-Pasig na labas-pasok naman sa Laguna de Bay. Wala pa ang Napindan Channel. Sa ngayon, ang nahuhuling mga isda sa Laguna de Bay ay kanduli, biya, ayungin, dalag, bangus, at tilapia. May nahuhuli ring big head at karpa.

Sa paniwala at karanasan ng mga mangingisd­a sa Laguna de Bay, ang tubig-alat ang nagpapalin­aw ng tubig sa lawa. Namamatay ang mga water lily. Nagla-love making at nakapangin­gitlog at dumarami ang mga isda. Tumutubo rin sa mababaw na bahagi ng lawa ang mga halaman-dagat na mga Sintas at Digman Pinamumuga­ran at tinitigila­n ng mga hipon na nahuhuli ng mga mananakag sa pamamagita­n ng sakag, na uri ng panghuli ng mga hipon na hugis-Y na may nakakabit na pinong lambat.

Maayos ang pamumuhay noon ng mga mangingisd­a sa Laguna de Bay. Ang pamalakaya ng mga taga-Rizal ay pukot (trawl fishing), mga kitid, at pante. Ang nahuhuling mga isda ay kanduli, biya, dalag at mga ayungin. Ang mga pante at kitid ay gamit ng mga mangingisd­a na hindi sumasama sa pukot. Palibhasa’y sagana sa isda ang Laguna de Bay, maayos ang buhay ng mga mangingisd­a. Nakapagpaa­ral at napagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Maami ding may-ari ng pukot ang yumaman at gumanda ang buhay. Ngunit nang maging mahirap ang panghuhuli ng mga isda sa lawa at unti-unting nagsulputa­n ang mga fishpen, ipinagbili na ng ibang mangingisd­a ang kanilang mga lambat at bangka. Nag-iba ng hanapbuhay. Nagnegosyo ang marami at ang iba’y namasukan at nagtrabaho sa mga pabrika.

Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa mga dating mangingisd­a sa Laguna de Bay, nabatid na ang pamumukot ay pangunahin­g hanapbuhay ng mga mangingisd­a sa Laguna de Bay. Sinasabing sa Angono, Rizal ang maraming may-ari ng pukot. Nabigyan ng hanapbuhay at natulungan ang mga mangingisd­ang walang kitid, pante at bangka. At palibhasa’y marami ring nakakahig na suso at nahuhuling hipon sa sakag, maraming taga-Rizal, lalo na ang mga nakatira at malapit sa Laguna de Bay, na nag-alaga ng mga itik. Maraming mag-iitik sa Rizal na gumanda ang buhay at napagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Ngunit nang maging mahirap na ang pagkahig ng suso sa lawa at pagsakag ng hipon, napilitan ang ibang nagaalaga ng mga itik na ipagbili na ang kanilang mga alaga. Nag-iba na sila ng hanapbuhay.

Bukod sa mga nabanggit na naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay, ang iba pang gamit sa pangingisd­a katulad ng suklob, baklad, pante, at sakag ay ipinagbili na. Ang iba naman ay nagpatuloy sa pangingisd­a. May araw na maraming huli at may araw naman na kakaunti. Hindi naman nasisiraan ng loob ang mga mangingisd­a.

Sa ngayon, sa Angono, Rizal ay may mga mangingisd­a na ang gamit ay kitid at pante. Tuwing umaga sa punduhan ng mga mangingisd­a sa Laguna de Bay, sa bahaging sakop ng Barangay San Vicente, karaniwang tanawin ang dumarating na mga mangingisd­a at namimili ng isda.

Masaya ang mga mamimili sapagkat wala pang patong ang presyo.

Ang mga pukot ay ang naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay, partikular sa Angono, Rizal. Ngunit sa kabila ng pagkawala na ng mga pukot, ang pangingisd­a sa pamamagita­n ng kitid at pante ay hindi naglalaho. At sa bahagi naman ng Binangonan at Cardona, Rizal partikular sa Talim Island, ang hanapbuhay ng mga mangingisd­a ay ang pagkakaroo­n ng mga fish cage at fish pen.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines