Balita

Pagawaan ng paputok sumabog, 6 sugatan

- Fer Taboy

Anim na katao, kabilang ang isang menor de edad, ang nalapnos ang balat makaraang sumabog at masunog ang isang pagawaan ng paputok sa Lapu-Lapu City, Cebu kahapon.

Batay sa imbestigas­yon ng Lapu-Lapu City Police, nangyari ang insidente sa Sitio Lawis sa Purok Judas Belt sa Barangay Babag sa lungsod.

Sa pagsisiyas­at ni PO2 Raul Ruiz, ng Lapu- Lapu City Police, sumabog ang pagawaan at kumalat ang apoy sa loob nito nang biglang nag-spark ang pulbura na ipinasok sa paputok na bawang.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga finish product na nakalagay malapit sa paputok na bawang, kaya nagkaroon ng pagsabog.

Nagtamo ng second degree burns sina Issa Jane Andal at Marcia Amistad, na nakatayo malapit sa mga sumabog na paputok.

Nalapnos din ang balat nina Andrew Laurel, 14 anyos; Angelo Casul, 18; Argentina Amistad, 33; at Joselito Amistad—na maliit lang ang tinamong sugat makaraang makatakbo kaagad palabas.

Mabuti na lamang at malayo ang pagawaan ng paputok sa kabahayan kaya walang ibang istruktura na nadamay sa sunog.

Nabatid din sa imbestigas­yon na walang permit ang pagawaan ng paputok ni Amistad, na dating nagtatraba­ho sa pabrika ng paputok sa lungsod.

Kaugnay nito, siniguro naman ng Police Regional Office (PRO)-7 na ipatutupad ng pulisya ang executive order ni Pangulong Duterte kaugnay ng pagre-regulate sa paggawa at pagtitinda ng mga paputok.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines