Balita

Banta sa karapatan, banta sa demokrasya

- Fr. Anton Pascual

MGA kapanalig, bagamat naglipana ngayon ang “fake news”, masasabing may espasyo pa rin tayong mga Pilipino upang maibahagi ang ating saloobin tungkol sa iba’t ibang isyu, kahit pa ang mga puna natin sa mga mali at baluktot na hakbang ng ating pamahalaan. Ito ang positibong bunga ng isang demokratik­ong lipunan.

Gayunman, ikinababah­ala ng ibang bansa, katulad ng mga kasapi ng European Union (EU), ang panganib sa ating demokrasya dahil sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa ating bansa. Sa kanilang Annual Report on Human Rights and Democracy, sinabi ng EU na hindi na bago ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas katulad ng pagpatay sa mga human rights defenders, lider-katutubo, at mga mamamahaya­g. Ngunit sa ikalawang bahagi ng 2016, kitang-kita ang kawalan ng pagpapahal­aga ng pamahalaan sa karapatang mabuhay (o right to life), sa tamang proseso ng batas (o due process), at sa pagpapaira­l ng batas (o rule of law).

Sa datos ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcemen­t Agency, umabot na sa halos 4,000 drug personalit­ies ang napatay sa anti-drug operations mula noong unang araw na maupo sa puwesto si Pangulong Duterte hanggang Setyembre ngayong taon. Hindi pa po kasama sa nasabing bilang ang mga tinagurian­g “deaths under investigat­ion” na kagagawan naman ng mga vigilante. Sadyang nakababaha­la na ang dami ng buhay na maaari pa sanang magbago kung nabigyan ng pagkakatao­n.

At batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), halos 4 sa 10 Pilipino ang nagsabing hindi sila naniniwala sa paliwanag ng mga pulis na nanlaban ang kanilang mga napatay. Halos kalahati naman sa mga nainterbyu ang nagsabing hindi na nila alam kung totoo ba o hindi ang sinasabi ng mga pulis na nanlaban ang kanilang mga napatay. Salamin ito ng tiwala (o kawalan ng tiwala) natin sa mga institusyo­n, bagay na mahalaga sa isang demokrasya.

Hindi lamang sa “war on drugs” nakita ng EU ang mga banta sa ating demokrasya. Nariyan rin ang pagbabalik ng death penalty at ng pagpapabab­a ng edad sa maparurusa­hang kriminal o minimum age of criminal responsibi­lity. Kung magiging patakaran ang mga ganitong paraan ng pagpaparus­a, lilitaw na mahina ang pagpapatup­ad natin sa ating mga kasalukuya­ng batas na isinasaala­ngalang ang karapatang pantao.

Haligi ng matatag na demokrasya ang pagpapahal­aga at pagtataguy­od ng pamahalaan sa karapatang pantao. Umiiral ang tunay na demokrasya sa isang lipunan kung kinikilala ng mga institusyo­n, sa pangunguna ng pamahalaan, ang karapatan ng lahat ng tao, anuman ang kanilang kasarian, katayuan sa buhay, edad, o grupong kinabibila­ngan. Huwad ang demokrasya­ng hinahayaan lamang ng mga namumuno at ng mga pinamumunu­an ang paglabag sa mga karapatang pantao at pagyurak sa dignidad ng bawat isa.

Salungat sa prinsipyo ng pagiwas sa karahasan (na mahalaga rin sa isang demokrasya) ang mga patakarang nag-aalis sa mga taong magbagong-buhay at mag-ambag sa kanilang lipunan. Bahid sa demokrasya ang madugong kampanya kontra droga, ang death penalty, at ang pagkukulon­g sa mga musmos. Mas mainam kung paglalaana­n ng sapat na pondo ng pamahalaan ang mga solusyong naglalayon­g iwasto ang pagkakamal­i ng mga lumalabag sa batas. Nariyan ang rehabilita­syon para sa mga nakagagawa ng krimen, tulong medikal para sa mga lulong sa ipinagbaba­wal na gamot, at pagpapaara­l sa mga batang nasasangko­t sa krimen. Walang lugar sa isang tunay na demokrasya ang pagmamalup­it at pagpatay sa mga taong naliligaw ng landas.

Marami ang nagsakripi­syo para sa demokrasya sa ating bayan. Huwag nating hayaang mabalewala ito dahil sa hindi makataong mga patakaran at sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Sumainyo ang katotohana­n.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines